Kapuso pa rin si Gabby Concepcion na gustong magkaroon ng Part 3 ang kuwento nina President Glenn Acosta at Melody, na unang sinubaybayan ng mga manonood sa "First Yaya" at ang sequel nitong "First Lady."

"Mas maganda sana kung may Part 3," sabi ni Gabby sa panayam sa kaniya ng Kapuso reporters sa renewal ng kaniyang kontrata sa GMA Network ngayong Huwebes.

Si Gabby ang gumaganap bilang si President Acosta, na umibig sa yaya na si Melody, na ginampanan ni Sanya Lopez.

ADVERTISEMENT

Sa First Lady, nag-iba ang takbo ng buhay ni Melody nang gampanan na niya ang tungkulin ng pagiging isang First Lady bilang maybahay ni President Acosta.

Sinabi naman ni Gabby na handa siyang tanggapin ang anumang role na ibigay sa kaniya.

"Whatever it is, I know ang mga think tank ng GMA... we have a lot of stories to tell and I'm also willing to do these challenges and willing to do the adventure," sabi niya.

Gayunman, miss na ng aktor ang cast ng "First Lady" dahil sa bonding na nabuo noon sa lock-in taping.

"Naging close kami, ngayon lang kasi nangyari ang lock-in... mas nagiging close kayo sa isa't isa... Nagsama kami ng dalawang taon, at 'yung lock-in kung minsan umaabot kami ng isang buwan," sabi ni Gabby.

Napanood ang First Yaya noong 2021, habang nagtapos naman ang First Lady nitong taon.

Pumirma si Gabby kasama ang kaniyang manager na si Popoy Caritativo, samantalang pumirma para sa GMA si Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable.--Jamil Santos/FRJ, GMA News