Naging maingat sina Jose Manalo, Wally Bayola, at ang cameraman sa pagpasok sa maliit na bahay ng masuwerteng "Sugod-Bahay" winner sa "Eat Bulaga." Pero nagulat si Vic Sotto at mga dabarkads nang malaman kung gaano karami ang nakatira rito.

Sa nakaraang episode ng segment na "Juan For All, All For Juan," labis ang saya ng ginang na natawagan ng programa at mabibiyaan ng malaking premyo dahil kailangan niya nang magpaayos ng kanilang bahay.

ADVERTISEMENT

Ayon sa ginang, hindi sapat ang kinikita ng kaniyang mister na isang construction worker para maipaayos ang kanilang bahay na puro surot na.

Para makapasok sa bahay o kuwarto, kailangan umakyat sa makipot na hagdan. May maliit itong butas na bahagi na rin ng sahig ng ikalawang palapag.

Isinasara o tinatakpan ang butas sa hakdan upang maging bahagi ng sahig na nagsisilbi na rin nilang higaan. May maliit din lusutan para naman sa ikatlong palapag.

Ayon sa ginang, 11 silang lahat sa naturang kuwarto kaya nagtaka ang mga dabarkads kung paano sila nagkakasya.

Sa huli, laking pasasalamat ng ginang nang manalo siya ng P90,000 dahil may magagamit na sila para maipaayos ang bahay at magandang regalo raw sa darating niyang kaarawan. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News