"Oo, definitely." Ito ang mabilis na tugon ni Carla Abellana nang tanungin kung "in pain" pa siya sa nangyari sa kaniyang buhay. Tinanong din ang aktres kung mahal pa rin niya ang dating mister na si Tom Rodriguez?

Sa panayam ng "Updated With Nelson Canlas," na ipinakita ang bahagi sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Carla na hindi naman maaaring kontrolin ang sakit na nararamdaman.

"I won't even hesitate to answer and say yes definitely. Pain kasi can't disappear overnight," anang aktres, na sinabing matagal na proseso bago mawala ang sakit.

"Gustuhin mo mang mawala na 'yung pain, it's in a way something you can't control," saad niya. "Nandiyan pa siya, ayoko namang sabihing wala kasi hindi rin totoo 'yon."

ADVERTISEMENT

Inamin din ni Carla na hindi pa lubos na nagsi-sink-in ang salitang divorce. Paliwanag ng aktres, isa sa mga dahilan ay walang diborsiyo sa Pilipinas.
"Siguro mas doon pa siya magsi-sink in sa akin siguro 'pag dito na naproseso o dito na naasikaso, 'pag na-recognized na siya ng Philippine court." paliwanag niya.

Ikinasal sina Tom at Carla noong Oktubre 2021 matapos ang ilang taon nilang magkarelasyon. Pero nitong nakaraang Enero, umugong ang balitang may problema sa kanilang pagsasama.

Pagsapit nitong nakaraang Hunyo, inihayag ni Tom (US citizen) na naapruhan na sa US ang kanilang diborsiyo.

Sinabi rin ni Carla na hindi pa nakikipag-ugnayan sa kaniya si Tom matapos ang kanilang paghihiwalay.

Pero sasagutin niya kaya kung tatawag sa kaniya ang aktor?

"Hindi muna," saad niya. "At this point parang hindi ko kakayanin. If ever he calls hindi ko kakayaning kausapin siya."

Nang tanungin kung mahal pa niya si Tom, sabi ni Carla, hindi niya masasagot ng yes or no ang tanong.

"Like I said 'yung love naman, hindi siya nag-di-disappear or hindi mo nababawasan nang kusa," paliwanag niya. —FRJ, GMA Integrated News