Aminado ang "Just In" online talk show host na si Paolo Contis na marami ang nagsasabi sa kaniya na hindi siya magpapakasal. Pero ang Kapuso actor, nakikita pa rin naman ang sarili na lalagay sa tahimik pero may mga kondisyon siyang itinakda sa sarili.

Sa bagong episode ng podcast na "Updated with Nelson Canlas," tinanong ang guest na si Paolo kung nakikita ba nito ang sarili na ikakasal sa hinaharap?

"Alam mo maraming nagsasabi sa akin hindi," natatawang sagot ng aktor.

Ang tanong ay bunsod na rin ng mga dating pakikipagrelasyon ni Paolo na nauwi sa hiwalayan kahit nagkaroon na siya ng mga anak.

Dalawa ang anak ni Paolo sa dating "EB" dancer na si Lian Paz, at isa naman sa aktres na si LJ Reyes.

ADVERTISEMENT

Kasalukuyan namang karelasyon ni Paolo si Yen Santos. (READ: Paolo Contis, inihayag kung bakit siya na-in love kay Yen Santos)

Pero ayon sa aktor, nais naman niyang dumating ang araw na ikakasal siya.

Gayunman, bago raw niya ito, nais niyang ayusin ang lahat sa buhay niya.

Kabilang na rito ang pakikipag-ayos niya sa kaniyang mga nakaaway, ayusin ang relasyon sa kaniyang mga anak, at maging sa mga ina ng kaniyang mga anak.

"Kapag lahat 'yon hindi maayos, tingin ko never akong magiging buo, enough para maging maayos na asawa," sabi ni Paolo.

Sinabi rin ng aktor na handa siyang makipagkaibigan sa lahat ng kaniyang naging ex, lalo na sa mga ina ng kaniyang mga anak.

Aniya, hindi lang mga basta "ex" ang mga ina ng kaniyang mga anak, bagkos ay bahagi na rin sila ng kaniyang buhay.

"Hindi ito mga ex na wala lang," saad niya. "Yung mga taong may kinalaman sa akin kailangang maayos before I actually move forward."

Ayon pa kay Paolo, sa edad niya ngayon, hindi na niya puwedeng pabayaan na hindi ayusin ang mga gusot niya noon para mabuo ang kaniyang pagkatao.

"Feeling ko only that time ako magiging fully ready [na magpakasal]," patuloy niya. --FRJ, GMA Integrated News