Inilahad ni Rufa Mae Quinto ang pagkakaiba ng kaniyang asawa na si Trevor Magallanes mula sa ibang lalaki na nakilala niya.

“You feel at home. Hindi ka ninenerbyos,” saad ni Rufa sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Kapag halimbawa hindi kami magkasama ngayon, hindi mo mafi-feel na ‘Ay bakit ang lungkot.’ Nakakalungkot, nami-miss ko silang mag-ama, pero hindi ‘yung feeling mo, ‘Ay bakit ganu’n?’” pagpapatuloy pa niya.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Rufa, may mga pagkakataon noon na masaya siya sa tuwing kasama niya ang kaniyang boyfriend. Ngunit kapag hindi na sila magkasama, nakararamdam siya ng lungkot.

“Dalawang bagay lang pala ‘yun. Either mo mahal, or walang hiya siya,” ayon sa aktres.

Para sa kaniya, mahalaga ring mahal niya ang isang tao.

“Sabi ko ‘Bakit ganoon, kapag magkasama kami tuwang tuwa ka, happy-happy? Tapos kapag lumalabas siya ng pinto, ang lungkot-lungkot. Doon ko rin na-realize na kailangan mahal mo rin ang tao, and at the same time you feel safe.”

Sa kabila nito, inilahad ni Rufa na ipinakita rin ng mga lalaking nakarelasyon niya ang pagmamahal at respeto sa kaniya.

“Oo. Binigay naman nila, hindi lang talaga ako ready kasi nga marami akong gustong gawin. At ito nga ‘yon, ang ginagawa ko hanggang ngayon. Mas minahal ko lang po ‘yung mga tao at sarili ko.  Tapos hindi pa tamang panahon,” saad niya.

Ikinasal sina Rufa at Trevor noong 2016.May isa na silang anak na si Alexandria Athena.-- FRJ, GMA Integrated News