Natupad ang pangarap ni David Licauco sa kaniyang pagsabak sa isang basketball tournament at makalaban pa ang ilang mga beterano nitong Sabado.
Sa ulat ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing bago nito, “ball is life” din si David dahil kahit noong nakabakasyon sa Siargao, naglaro pa siya ng basketball.
Naglaan din siya ng oras para mag-training kahit abala sa taping para sa upcoming action series na “Never Say Die” kasama si Jillian Ward.
“Full day of action kami kahapon. Biglang andito na ako ngayon. Medyo masakit na ‘yung katawan ko,” sabi ng Pambansang Ginoo.
Mga beteranong basketball player ang nakalaban nina David sa sinalihan niyang tournament.
“I think their import is playing in Europe, he's 6'11". I'm 5'11",” natatawang sabi ni David.
“Like any other Filipino kid, basketball naman talaga 'yung pangarap. So ‘yun din ako. So now, at my age, being able to play at this level, talagang nakakataba ng puso and it's something that I'll never forget. The level is definitely different from where I play. So I have to keep on going,” sabi niya. –Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
