Papasok si Rayver Cruz bilang hurado sa bagong season ng GMA celebrity dance contest na “Stars on the Floor.” Nagpahiwatig naman ang host nito na si Alden Richards na may mga lider ng P-pop groups ang hahataw sa dance floor.
Sa panayam sa Asia’s Multimedia Star at mismong host ng show sa GMA News Online, sinabi niyang magkakaroon ng star duos na binubuo ng celebrity dancers at P-pop dance stars sa bansa.
“The P-pop idols that are gonna be part of the show are the leaders of their certain P-pop groups. So hanggang du’n ko lang siya puwede sabihin,” sabi ni Alden.
Hindi na pinangalanan pa ni Alden ang mga idol na sasali, ngunit sinabi niyang tampok sa bagong twist ang talento at husay ng mag-duo sa pagsasayaw.
“Of course marami din tayong mga celebrity dance stars na kasama na very much familiar with the dance scene din as well. So we're very excited kasi kahit papaano, you know, parang ‘yung ‘Stars on the Floor,’ nagiging way siya to really highlight different groups and people within the industry in terms of dancing. So nagkakaroon din tayo ng pagkakataon mabigyan sila ng platform to showcase their talent at the same time,” sabi pa ni Alden.
Nagpahiwatig pa si Alden ng mga bagong pakulo na aasahan ng mga manonood.
“There's gonna be a lot of twists and turns and something to look forward to for this show. And we're just looking forward and we can't wait to air this coming February 15” sabi niya.
Papasok din si Rayver Cruz bilang dance authority o hurado, kasama na rin ang nagbabalik-hurado na sina Marian Rivera, at choreographer coach na si Jay.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing masaya si Rayver sa bagong project dahil talagang hilig niya ang pagsasayaw.
Unang pagkakataon daw ni Rayver na maging judge ng isang dance competition.
“Ito talaga ‘yung masasabi ko na passion, minahal ko and kung may isang strength ako talaga na mai-o-offer ‘yun ‘yung dance. Dancing din ‘yung naging passport ko para mapunta sa kinaroroonan ko ngayon. Excited na ako na mapakita kung paano ako as judge and, siyempre magbigay wisdom din,” ani Rayver.
Nagwagi ang kapatid ni Rayver na si Rodjun Cruz, at Dasuri Choi sa unang edisyon ng kompetisyon. – Carby Rose Basina/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
