Dahil sa kaniyang masayang pamilya, hindi mapigilang tanungin si Marian Rivera kung may plano sila ni Dingdong Dantes na magkaroon na ng pangatlong anak. Nagpahiwatig nga ba ang Kapuso Primetime Queen na kuntento na siya kina Zia at Ziggy?

"Sabi ko nga, kung ibibigay, why not? Pero kung dalawa lang talaga, why not din? Sabi ko nga, sobra sobrang biyaya na," sabi ni Marian sa Updated with Nelson Canlas podcast.

"Minsan masarap din na makuntento ka kung ano ang meron ka, kasi doon ka magiging mas masaya kapag nakita mo ang surrounding mo na complete na talaga ang pangarap mo. Bonus na lang kapag may idadagdag pa," dagdag ni Marian.

Nauna nang inihayag ni Marian na umaasa siyang masusundan pa ng baby number three sina Zia at Ziggy, ngunit wala rin siyang magiging problema kung hindi man ito matuloy.

ADVERTISEMENT

"Mas masarap na makuntento talaga kung ano ang meron. At masasabi ko ngayon na happy ako with Zia, Dong, Sixto, sobra sobra. Sobra sobrang blessings talaga. Thankful talaga ako."

Nakalipat na ang pamilya nina Marian at Dingdong sa bago nilang tahanan noong nakaraang taon.

Ayon kay Marian, inabot ng apat na taon para buuin ang kanilang dream house, pero mahabang panahon din ang kanilang ginugol sa pagpaplano nito.

"Medyo in the process kami kung saan ba dapat, anong hitsura ng bahay? Kasi dream namin ito eh, so gusto namin sa bawat detalye na gagawin namin 'yun talaga ang gusto namin."

Katunayan, hindi raw pumalya si Dingdong sa araw-araw na pagbisita habang ginagawa ang kanilang bagong bahay. Kaya naman hindi makapili si Marian kung ano ang pinakapaborito niyang parte ng kanilang tahanan.

"Madami e, super dami talaga," sabi ni Marian.

Nagkaka-bonding silang pamilya sa kanilang anteroom para manood ng TV, pero may kaniya-kaniyang opisina rin sina Marian at Dingdong kung kinakailangan nilang mag-"me time."

"Si Dong kasi may favorite spot siya sa labas. Ako, 'yung pinaka-sala namin, 'yung favorite spot ko roon kasi nandoon 'yung tama ng araw 'pag umaga. So may mga ganu'ng arte-arte moment ako."

Nauna nang nagpasilip ang Dantes squad tungkol sa bago nilang tahanan. —LBG, GMA Integrated News