Napanonood na sa mga sinehan sa Hulyo 30 ang “P77,” ang unang horror film ng GMA Pictures makalipas ang halos 14 na taon.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabing humarap ang mga bida ng pelikula na sina Barbie Forteza at iba pang cast members sa isang press conference, kasama sina GMA Network Senior Vice President and GMA Pictures President Atty. Annette Gozon-Valdez at Senior Vice President for GMA Public Affairs at GMA Pictures EVP Nessa Valdellon.

“It's that type of horror movie that will haunt you in your sleep. Like 'yung patay na 'yung ilaw, tapos isipin mo ka rin 'yung mga eksena na napanood mo sa P77,” sabi ni Barbie.

“Ito 'yung pagbalik ng GMA Pictures sa horror genre after so many years, kaya talagang gusto natin magbigay ng kakaiba sa mga manonood. Siyempre ‘pag nanood ng horror, kailangan talaga nandun 'yung takot. Pero iba 'yung atake ng pelikulang ito,” sabi ni Gozon-Valdes.

Samantala, excited na si Barbie dahil bukod sa showing ng P77 sa Hulyo 30, ipagdiriwang din niya ang kaniyang kaarawan sa Hulyo 31, at ang GMA Gala 2025 sa Agosto 2.

Handa na si Barbie para sa big night ng GMA, ngunit hindi ito kagaya ng mga nagdaang taon.

“Basta this year, pinromise sa akin ng team ko na gusto nila mag-enjoy ako sa gabing ‘yun. So, meaning, siyempre 'yung damit, hindi ganu’n ka-komplikado dalhin. Kasi naalala niyo ‘di ba, ball gown nga si ate girl last year. So, ngayon, they promised me that I will enjoy that night. So, lotion lang. Lotion lang!?” biro niya.

Mayroon kaya siyang ka-date sa gala?

“Have I ever? ‘Yun ngang may jowa ako, ‘di ako dumating na may date eh. Ngayon pa ba? O gusto mo ba limahin natin? The more the merrier. Charot!” biro uli ni Barbie. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News