Kahit magkalayo ang agwat ng kanilang edad, marami ang nakapapansin sa magandang chemistry ng "Magkaagaw" stars na sina Jeric Gonzales, 28, at Sheryl Cruz, 46. Pero higit pa nga ba sa serye ang magandang pagtitinginan nila?

Sa artikulo ni Bernie V. Franco sa PEP.ph, sinabing hindi pa rin kasi mamatay-matay ang mga hinala na may romantikong namamagitan sa dalawa mula nang magkasama sa naturang Kapuso series.

Naging tampulan daw uli ng tukso ang dalawa nang mag-post sa Instagram ng sweet birthday greeting si Sheryl para kay Jeric noong August 7.

Sa ipinost na video clip ni Sheryl, kapansin-pansin daw ang closeness nila at may kasama pang caption ang isang post ng aktres na nagsasaad ng: “I’m so fortunate to have you for my Leading Man in Magkaagaw.”

Sa comments section, maraming fans umano ang kinilig at may mga umaasa na magkatuluyan sila sa totoong buhay.

ADVERTISEMENT

Nang hingan ng reaksiyon si Jeric sa matamis na pagbati ni Sheryl sa kanya, sinabi ng aktor na nagulat siya at masaya.

“Of course, Ms. Sheryl Cruz is a very great actress. Nakakatuwa na nagpaabot siya ng pagbati,” sagot ni Jeric.

Tinanong din si Jeric kung ano ang real score sa kanila ni Sheryl.

Paliwanag niya, "Natutuwa kami sa fans and supporters na nagpo-promote sa amin and nag-aabang sa amin.

"Pero Ms. She and I are very professional pagdating sa work.”

Hindi na raw nababahala si Jeric na patuloy na binibigyang kulay ang kanilang pagsasama sa teleserye.

“Natutuwa pa nga ako, kasi I know it’s all because of the show, na gusto nila kami and sinusuportahan nila ang palabas namin,” aniya.

Tiwala rin ang aktor na kayang i-handle ni Sheryl ang naturang isyu na idinidikit sa kanila.

Nauna na ring sinabi ni Sheryl na walang romantikong namamagitan sa kanila ni Jeric liban sa magkapareha sa "Magkaagaw."--For the full story, visit PEP.ph