Bagaman single at very busy sa bago niyang soap, inamin ng "Impostora" star na si Kris Bernal na may lalaking nagpapakilig sa kaniya ngayon.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi nito na hot and sexy si Kris sa suot na red serpentina gown sa ginanap na press conference sa pagbibidahan niyang GMA Afternoon drama-series na "Impostora."
Gagampanan ni Kris ang role ng kontrabidang si Rosette, isang pabayang ina at manloloko ng asawa.
Siya rin ang mabait pero hindi kagandahan na si Nimfa, na magpaparetoke ng mukha upang magpanggap na si Rosette.
Ito na raw ang pinakamahirap na proyekto ni Kris dahil bukod sa dalawa ang ginagampanang role, daring daw siya dito at may mga love scene sa kaniyang mga leading man na sina Rafael Rosell at Ryan Eigenmann.
"Gusto ko lang makita nila na puwede rin si Kris sa roles na ganito, na puwedeng maging kabit, puwedeng maging kontrabida. Kasi nalilimitahan ako na lagi akong bata," paliwanag niya.
Pero paglilinaw ni Kris, kahit daring siya sa "Impostora," at pati na pag-pose sa isang men's magazine, may mga limitasyon pa rin naman daw ang kaniyang pagpapa-sexy
Katunayan, may tatlong projects daw siyang tinanggihan dahil hindi niya kaya ang ipagagawa sa kaniya.
At kahit single ngayon si Kris, inamin ng dalaga na may nagpapakilig daw sa kaniya ngayon na isang non-showbiz businessman.
"Hindi siya seloso at sobrang naiintindihan niya lahat," pagbabahagi ng aktres.
Makakasama ni Kris sa "Impostora" sina Elizabeth Oropesa, Assunta de Rossi, Aicelle Santos, Vaness del Moral, Rita Daniela, Sinon Loresca, Leandro Baldemor at ang child stars na sina Yuan Francisco at Dayara Shane. -- FRJ, GMA News
