Sa lalong tumitinding istorya ng GMA Afternoon Prime show na "Impostora," sinabi ng lead star na si Kris Bernal na hindi maiiwasang masaktan siya sa ilang eksena pero balewala ito sa kaniya basta sa ikagaganda ng serye.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, napag-alaman na nagtamo ng ilang pasa sa binti at leeg si Kris pero nananatiling mataas ang kaniyang energy level.
"Yung bad, kapag nananakit talaga siya, kailangan din talaga nating totohanin, so nasasaktan ko rin yung sarili ko kumbaga," anang aktres na gumaganap sa dalawang karakter bilang sina Ninfa at Rosette.
Ayon kay Kris, bihasa na raw siya sa biglaang pagpapalit ng mga emosyon mula Nimfa to Rosette, at vice versa.
Pero pag-amin ni Kris, natutuwa raw siya sa paglalaro sa karakter ni Rosette.
"Na-e-enjoy ko yung pagiging Rosette kasi ang sarap paglaruan ng mata ni Rosette, kontrabida siya," ayon kay Kris.
Inihayag din ng aktres na ang fans ang kaniyang inspirasyon at pinaghuhugutan niya ng lakas para harapin ang mga hamon sa eksena.
Ibinahagi rin ni Kris ang kaniyang sikreto kung bakit mabilis siyang umiyak sa mga madramang eksena.
"Ilang beses na niloko tayo! Charos! Sa personality ko na din kasi very sensitive person din ako. Once talaga na i-feed ko lang yung sarili ko na maalala ko itong bagay na ito, ambilis kong magalit. Maalala ko lang itong bagay na ito, naiiyak na ako," saad niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
