Ipinagbawal muna sa Isabela ang pag-inom at pagbenta ng alak bilang paghahanda sa posibleng panananalanta ng bagyong Ompong, para maiwasan ang pagkasawi ng mga residente sa kanilang paglikas.

Inaasahang bumagsak ang bagyo sa Cagayan sa Sabado.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing inilabas ang pagbabawal dahil noong mga nakaraang bagyo, may namatay na ilang residente dahil sila ay nakainom umano.

Bukod sa real time monitoring ni Ompong at weather forecast, maaga nang idineploy (deploy) ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga rescue personnel at relief goods sa mga flood prone areas sa northern Isabela.

Ipinagbawal na rin ni Isabela Governor Bodgie Dy III ang paglalayag ng mga barko.

Samantala sa Aparri, Cagayan na posibleng daanan ng bagyo, inilatag na ang evacuation plan at pamimigay ng relief goods ng lokal na pamahalaan.

Ipinagbawal na ang pagpalaot sa mga coastal towns ng Palanan, Divilacan, Maconacon at Dinapigue simula Miyerkoles.

Naghanda na rin ang mga taga-Abra, na tinalian ang kanilang bubong para hindi matangay ng malakas na hangin.

Siniguro na ang kahandaan ng mga bangka, sasakyan, mga rescue equipment, at mahigit siyam na libong relief goods na ipapamahagi sa mga masasalanta. —Jamil Santos/NB, GMA News