Nadakip na ng mga awtoridad ang lalaking nanaksak ng 24 na ulit sa babaeng kaniyang nililigawa sa San Jose Del Monte, Bulacan noong nakaraang Mayo. Ang suspek, nagalit daw sa biktima nang malaman na ibang manliligaw ang sinagot niya.


Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing naaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Ricky Millete, 40-anyos, sa inilatag na entrapment operation sa tulong ng mga kaanak ng 21-anyos na biktimang si Reina Bea.

Ayon sa pulisya, gumawa ng paraan ang mga kaanak ni Bea na makausap ang suspek. Nang pumayag ang suspek na makipagkita, doon na inilatag ang entrapment operation at naaresto si Millete sa bisa ng arrest warrant.

Maliban sa kasong attempted murder, may kinakaharap pa umanong kaso na frustrated murder at qualified thief si Millete.

Nitong nakaraang Mayo nang pagsasaksakin ni Millete ang biktima sa labas ng bahay ng biktima sa Bulacan.

Sinabi ng kapatid ng biktima, balak sanang barilin ng suspek si Bea pero hindi pumutok ang baril.

Sa hiwalay na panayam ng "QRT" kay Bea, itinanggi niya ang sinasabi ng suspek na dalawang taon na ang kanilang relasyon nang mangyari ang insidente.

"Yung sabi niya sa balita na may relasyon po kami ng dalawang taon wala pong naniniwala kahit kapitbahay namin. Kasi ni hawakan nga po nandidiri ako sa kaniya paano ko po siya papatulan. At kaklase ko po yung anak niya. Tawag ko po sa kaniya kuya Ricky," sabi ng biktima na handa umanong ituloy ang kaso laban sa suspek. -- FRJ, GMA News