Inilahad ng beteranong aktor na si Dennis Padilla ang kaniyang kondisyon para sa manliligaw o magiging boyfriend ng kaniyang mga anak na babae.
Sa programang "Mars," mariing sinabi ni Dennis na ayaw niya sa lalaki na pisikal na nananakit ng babae.
"Kailangan lang mahalin mo lang 'yung anak ko, 'wag mo lang sasaktan. Physically I mean. 'Yung emotionally kasi hindi mo talaga mako-control 'yon. Pero 'yung physically mako-control mo 'yon eh," anang komedyante.
Nauunawaan naman daw ni Dennis na parte ng isang relasyon ang hindi pagkakaunawaan.
"Okay lang naman na masaktan ka tapos umibig ka ulit. Basta wala lang physical abuse, verbal abuse, 'di ba? Kasi trauma 'yon eh," giit niya.
Ayon sa aktor, mahalaga pa rin na may trabaho ang lalaki.
"Pero siyempre mas gusto mo na rin na 'yung magiging boyfriend o magiging asawa ng anak mo, gusto mo may stable job naman. Hindi naman kailangan na mayaman siya, basta may stable job at alam mong masipag, okay na 'yon," paliwanag niya.
Sa "Lightning Laglagan" segment ng programa, umiwas naman si Dennis na sagutin kung boto ba siya sa kasalukuyang boyfriend ng anak niyang si Julia Barretto. -- FRJ, GMA News
