Duguan at nakahandusay sa labas ng isang beerhouse sa IBP Road sa Quezon City ang dalawang lalaki nang abutan ng mga rescue team matapos silang pagbabarilin ng lalaking nagpakilala raw na pulis.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing dakong 11:00 pm nang barilin ang mga biktima na nasa maayos nang kalagayan na kapwa magtamo ng tama ng bala sa tiyan.
Ayon sa kasamahan ng mga biktima, apat silang nag-inuman sa beerhouse at paglabas nila ay bigla na lang daw may dumating na maangas na lalaki.
"Paglabas ko doon sa hagdan na iyon, sinabi niya sa akin 'siga ka, ah, pulis ako,'" ayon sa saksi na nasundan na raw ng putok ng baril.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng nakaalitan ng mga biktima ang suspek, na naaresto kinalaunan matapos na ilarawan ng mga biktima ang kaniyang hitsura.
Unang ikinunsidera si Elmart Encabo na person of interest pero ginawa na siyang suspek matapos ituro ng mga biktima na bumaril sa kanila.
Itinanggi naman ni Encabo na may kinalaman siya sa nangyaring pamamaril.-- FRJ, GMA News
