Isang lalaking mangangalakal ang namatay matapos masabugan ng lumang fire extinguisher sa Barangay West Crame sa San Juan, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang lumapit ang biktimang si Joseph Tiosen sa kariton ng kapwa niya mangangalakal sabay kinuha ang fire extinguisher na bigla na lang sumabog.

Sa lakas ng pagsabog ay tumalsik si Tiosen. Namatay siya matapos tamaan ng piraso ng fire extinguisher ang kanyang lalamunan.

Batay sa imbestigasyon, luma at sira na ang fire extinguisher.

"Corroded na yung bottomline niya (fire extinguisher)," ani Chief Inspector Jude delos Reyes ng Bureau of Fire Protection sa isang panayam.

"Ito ay na-compromise na yung structural integrity niya," dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Delos Reyes na limang beses na mas mataas ang pressure ng isang fire extinguisher kumpara sa gulong ng isang sasakyan.

Dagdag pa niya, dapat sumasailalim sa annual maintenance ng provider ang mga fire extinguisher. —KBK, GMA News