Duguan ang isang lalaki matapos siyang holdapin at bugbugin ng tatlo pang lalaki sa Tondo, Maynila. Ang biktima, natangayan ng mahigit P80,000 halaga ng pera at alahas.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang panggugulpi sa 30-anyos na si Michael Ong sa bahagi ng Earnshaw Street, Barangay 172, noong Martes ng hapon pagkababa niya ng motorsiklo.
Nakakuha ng tiyempo na tumakbo ang biktima, samantalang tumakas ang mga salarin.
Duguan ang mukha ng biktima matapos ang panggugulpi.
Sinabi ni Ong na kukunin sana niya ang kaniyang kotse para pumasok sa trabaho nang biglang dumating ang mga suspek.
“Kinuha po sa akin ‘yung alahas ko po na nagkakahalaga ng P65,000 and then ‘yung pera ko pong P18,000. Habang binubugbog nila ako, nakita ko ‘yung alahas ko nalaglag, tapos kinuha ng isang suspek. Sumisigaw sila, ‘Yung bag kalkalin mo,’” anang biktima.
Sinabi ng barangay na hindi residente sa kanilang lugar ang biktima at mga suspek.
Nadakip sa kanilang bahay ang isa sa mga suspek matapos magsagawa ng backtracking ang pulisya, ngunit hindi na nabawi ang alahas at pera ng biktima.
Natuklasan ding mga magkakapatid ang mga suspek.
Pagka-post ng biktima sa social media kaugnay ng panggugulpi sa kaniya, nakatanggap siya ng ilang mensahe tungkol sa kagayang modus.
Sa isang cellphone video, mapanonood ang ilang lalaki na binubugbog din ang isang lalaki sa Dagupan, Tondo noong Enero.
Ang mga nambugbog sa video ang mga suspek din umano na nanggulpi kay Ong.
Batay naman sa isang mensaheng natanggap ng GMA News mula sa isang taong hindi na nagpakilala, magkakilala umano sina Ong ang mga suspek at binaril daw nito ang isa sa mga suspek noong Enero.
“Hindi po, hindi ko po sila kilala. Eh sana po, kung binaril ko po ‘yung isang suspek doon, ay kung sakali, namatay o nabaldado…Wala po akong reklamong gano'n, sir,” sabi ni Ong.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya sa panggugulpi.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang isa sa mga suspek sa video na nahaharap sa reklamong robbery with physical injury.
Samantala, tukoy na rin ang dalawa pang mga salarin, na sasampahan din ng kaparehong reklamo.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng mga suspek. — Jamil Santos/VBL GMA News
