Sinalakay ng mga pulis ang isang computer shop sa Bacoor, Cavite na ginawa umanong drug den ng ilang parokyano.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, walo ang arestado sa operasyong ikinasa ng mga operatiba sa Barangay Malicsi-Uno. Karamihan umano sa mga kabataang nahuli, 18-anyos pataas ang edad.
Tatlo sa mga suspek ang tulak umano ng droga at "user" naman ang lima, ayon sa pulisya.
Nakatakas ang 21-anyos na may-ari raw ng computer shop kung saan nakuha ang mga hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, shabu, at timbangan.
"Ito 'yung computer shop na may mga higaan na rin sila doon, so parang hindi na halos talaga umuuwi sa bahay," ayon kay Police /Lieutenant Colonel Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police.
Paalala ng mga awtoridad sa mga magulang, bantayang mabuti ang oras ng pag-uwi ng kanilang mga anak.
"Dapat itong mga magulang, dapat 9 o'clock or 10 o'clock dapat nasa loob na ng bahay nila. Kasi ito, mga estudyante kasi ito. Wala namang estudyanteng hanggang alas-tres ng madaling araw, babad na babad tapos papasok pa sa klase," dagdag pa ni Cabatingan. —Dona Magsino/LDF, GMA News
