Labis ang hinanakit ng nasa mahigit 30 overseas Filipino workers sa Hong Kong dahil sa nawala nilang pera na aabot sa P10 milyon. Ito ay dahil sa pinasok nilang investment scheme na pakulo ng isa ring OFW, na nangako sa kanila ng malaking tubo o kita. Mabawi pa kaya ng mga nabiktimang OFW ang pinaghirapan nilang pera?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala si “Lori,” hindi niya tunay na pangalan, na pitong taon nang domestic helper sa Hong Kong.
Ayon kay Lori, hindi sapat ang P21,000 na kita niya bawat buwan sa pagiging DH para matustusan ang pangangailangan ng dalawa niyang anak sa Pilipinas.
Hanggang sa makilala niya ang kapwa niya OFW sa Hong Kong na si “Carla,” hindi rin niya tunay na pangalan, na naging makeup artist ni Lori nang ikinasal siya sa Hong Kong noong 2019.
Kaya agad nagtiwala si Lori kay Carla nang alukin siya nitong mamuhunan sa pinatatakbo nitong investment "paluwagan" scheme.
Nangangako si Carla na tutubo ng 15% hanggang 50% ang ipinasok na pera sa loob lamang ng 35 araw. Kaya agad nag-invest si Lori ng P5,000 na may tubong 20% o naging P6,000 sa loob lang ng isang buwan.
Ayon kay Lori, taong 2022 bago siya umuwi ng Pilipinas, nag-invest pa siya kay Carla ng P100,000 na magiging P200,000 umano sa loob ng apat na buwan. Kaya naman may payout siya ng P50,000 kada buwan.
Kumita si Lori sa investment at naipaayos ang bahay nila sa Pilipinas at makailang ulit pang nakauwi sa kaniyang probinsiya sa Quezon.
Kalaunan, naengganyo na rin si Lori na maging agent ni Carla at naghanap ng iba pang mamumuhunan sa kanilang investment scheme.
“Marami na ring nagsasabi sa akin na, ‘Sa una lang ‘yan.’ Hindi ako naniwala sa kanila kasi kumikita talaga ako sa investment. Ang dami ko nang naging payout. Parang nakuha na ‘yung tiwala ko,” sabi ni Lori.
Makalipas ang isang taon ng kanilang transaksyon na walang mga aberya, nagsimula nang magkaproblema ang negosyo ni Carla noong Enero 2023.
Kasunod nito ay naglaho na rin na parang bula si Carla, dala ang kabuuang hinulog ni Lori na umabot na ng halos P1 milyon.
Paliwanag ng licensed financial advisor na si Bench Gonzales, ang uri ng investment scheme na may mataas na return at walang risk, ay layong maka-attract ng marami pang investor. Ginagawa raw ito dahil doon din kukunin ang mga ipinangakong return sa mga naunang namuhunan na nagpasok ng pera.
Kalaunan, nalaman ni Lori na isa lamang siya sa mahigit 30 pang Pinay domestic helpers na nabiktima ni Carla sa Hong Kong.
Si Lita naman, hindi niya rin tunay na pangalan at tatlong dekada nang OFW, nag-invest kay Carla ng pinagbentahan niya ng lupa sa Pilipinas na umabot ng P800,000 ang halaga, na may pangakong 20% na tubo sa loob lang ng isang buwan.
Nakatakda siyang makakuha ng P5 milyon matapos ang halos isang taon para makapagretiro at magnegosyo sa Pilipinas. Ngunit ayon kay Lita, Disyembre ng 2022 nang i-hold na umano ni Carla ang kaniyang pera.
Ang hindi alam ng mga nabiktimang OFW na bago pa man sila napapayag mag-invest, nauna na si Carla na mangengganyo ng investors sa probinsya niya sa Kidapawan City, North Cotabato.
Isa pa sa mga napaniwala si Melvin Amancio, dating hairdresser ni Carla. Hindi pa naniwala noong una si Amancio dahil ilang beses na silang na-scam, ngunit unti-unti ring nakumbinsi dahil sa salon isinasagawa ang payout.
Ibinenta ni Amancio ang mga kambing at in-invest ang kaniyang ipon sa pagsa-salon, na umabot ng halos P500,000.
Sa pagbisita ng mga kawani ng barangay at ng Team KMJS sa bahay ni Carla, hindi nila ito nadatnan, ngunit sinabi ng tiyahin nito na huli silang nagkita noong Disyembre 2021, at umalis na si Carla noong Abril.
Si Manilyn Lonzaga, isa sa mga agent ni Carla, umaming nasa 16 silang mga ahente, at sinabing nabiktima lang din sila at natangayan ng P500,000.
Dahil silang mga agent ang nakaharap sa investors, sila pa ang abonado, at nakatatanggap na rin ng pagbabanta sa kaniyang buhay gaya ni Lonzaga.
Lumantad din ang nobyo ni Carla na si “Jake,” hindi niya tunay na pangalan, at sinabing Pasko pa noong nakaraang taon nang huli niya itong makita.
Sinabi sa kaniya umano ni Carla na uuwi ito ng Pilipinas, pero hindi nito sinabi kung saan ito tutuloy.
“Hopefully this issue will follow in court para legal po ang lahat. We are not guilty in all the accusations. As a sister I knew, she has good intention sa lahat. Hindi lang siya ang nagra-run at nakikipag-transact,” sabi ng kapatid ni Carla sa isang text message.
Nagpadala na ang mga nabiktima ni Carla sa National Bureau of Investigation para pormal nang maghain ng reklamo. --FRJ, GMA Integrated News
