Hindi nagpatalo sa sakit na COVID-19 ang 87-anyos na si Lolo Guillermo habang hindi pa niya nakikita nang personal ang kaniyang first love na si Lola Avelina, 86-anyos. At nang gumaling, matutuloy na ang pinakahihintay nilang sandali--ang muling magkita pagkaraan ng anim na dekada.

Nang unang itampok sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kuwento nina Lolo Guillermo at Lola Avelina, marami ang kinilig. Sila kasi ang buhay na patotoo sa katagang "first love never dies."

Noong panahon ng kanilang kabataan, sa Maynila unang pinagtagpo sina Avelina at Guillermo. Isang kasambahay noon ang dalawa, at aspiring boxer naman ang binata.

Nahulog ang loob nila sa isa't isa at naging magkasintahan sa loob ng apat na taon. Hanggang sa maghinala si Avelina na pinopormahan ni Guillermo ang kaniyang pamangkin na dahilan para magkalamat ang kanilang pag-iibigan.

Hindi nagtagal, tuluyang na silang nawalan ng komunikasyon sa isa't isa. Si Avelina, nakapag-asawa ng iba at nagkaroon ng kaniyang pamilya sa Isabela.

ADVERTISEMENT

Si Guillermo naman, nagkaroon din ng sariling pamilya at naninirahan ngayon sa Maynila. Pero paglilinaw ni Guillermo, hindi niya nakatuluyan ang babaeng pinagselosan ni Avelina--dahil wala raw siyang ibang babaeng minahal kundi si Avelina.

Hanggang sa maging biyuda at biyudo na ang dalawa.

Dahil hindi pa rin nawala sa isip ni Lola Avelina si Guillermo, gumawa ng paraan ang kaniyang mga anak at apo para hanapin ang first love nitong si Lolo Guillermo sa pamamagitan ng social media, at nagtagumpay sila.

Nang unang itampok sa "KMJS" ang kuwento nina Lolo Guillermo at Lola Avelina, marami ang kinilig sa istoryang "the one that got away," na posibleng mabigyan ng second chance.

Subalit dahil sa pandemya, hanggang video call lang ang naging pagkikita at pag-uusap ng dalawa.

Muntik pang hindi na mangyari ang kanilang pagkikita nang personal nang dapuan ng COVID-19 si Lolo Guillermo.

Subalit nanatiling matatag si Lolo Guillermo at nilabanan ang virus hanggang sa siya ay gumaling. Isa raw sa nagpalakas sa kaniya ay ang madalas na pag-video call sa kaniya ni Lola Avelina.

Matapos na sumailalim sa COVID-19 test at pagsunod sa mga protocol, bumiyahe si Lolo Guillermo pa-Isabela para sorpresahin si Lola Avelina.

At sa kauna-unahang pagkakataon pagkaraan ng anim na dekada, muling magtatagpo nang personal sina Guillermo at Avelina.

Tanggapin kaya ni Lola Avelina ang alok ni Lolo Guillermo na magpakasal sila at sumama na sa kaniya sa Maynila? Tunghayan ang kakaibang kuwento ng kanilang pag-ibig sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News