WASINGTON DC - Naghain ng guilty plea ang Pinoy na may dalang walis tambo at kasamang lumusob sa U.S Capitol noong Enero 6, 2021.

Inamin ng Pinoy na si Kene Brian Lazo kay US District Judge Christopher Cooper, na siya ang nakasuot ng mala-Captáin Amerika na costume na kasama ng mga Trump supporter na lumusob sa U.S. Senate building, kung saan  isinagawa ang sertipikasyon sa pagkapanalo ni Joe Biden sa naturang halalan.

Inamin niya sa korte na loyalista siya ni Trump pero pinagsisisihan niya ang pagsama sa naturang kaguluhan sa US Capitol na nagresulta sa pagkamatay ng limang tao at ikinasugat ng maraming iba pa.

ADVERTISEMENT

Itinakda ng korte sa Washington DC ang pagbibigay ng sentensiya kay Lazo sa Hulyo. Nakipagkasundo siya sa korte para sa isang plea agreement kaugnay sa kinakaharap niyang patong-patong na kaso ng "misdemeanor."

Kabilang dito ang:

  • Knowingly Entering or Remaining in a Restricted Building or Grounds Without Lawful Authority
  • Disorderly and Disruptive Conduct in a Restricted Building or Grounds Without Lawful Authority
  • Disorderly Conduct on Capitol Grounds or in a Capitol Building
  • Parading, Demonstrating or Picketing in a Capitol Building

Anim na buwang pagkakakulong at multa ng $500 ang posibleng ipataw ng korte laban kay Lazo.

Nahaharap din si Lazo sa kasong sexual battery of a child sa Virginia na nangyari ilang buwan matapos ang insidente sa U.S. Capitol. 

Inaresto siya US Federal Bureau of Investigation noong Mayo 2021 sa Norfolk, Virginia.

Nasa 786 katao ang kinasuhan ng FBI sa US District Court kaugnay sa naturang paglusob ng mga tagasuporta ni Trump. --FRJ, GMA News