Sinabi ng isang opisyal ng Commission on Elections na dapat iwanan na lang ng botante sa miyembro ng Electoral Board ang kanilang balota kung nagkakaaberya ang vote-counting machines (VCMs) sa kanilang presinto.

"Sa ating general instructions, habang kinukumpuni, ginagawa ng ating technician ang mga vote counting machine na nasira ay dapat po lahat ng balota ay kukuhanin sa mga botante at papatas-patasin po 'yan at pagka natapos na ang pag-ayos ay tsaka po siya ifi-feed sa lahat ng watcher at lahat ng observers na nandoon sa loob ng presinto," paliwanag ni ni Commissioner George Garcia nitong Lunes.

Ginawa ni Garcia ang paliwanag sa harap ng mga ulat na may mga VCM ang nagkakaaberya at iniluluwa o hindi binabasa ng makina ang mga isinusubong balota.

Sa tweet ni GMA News' Tina Panganiban-Perez, sinabi umano ni Garcia na kabilang sa mga naging aberya ay:

Paper jam - 940
Rejected ballots - 606
VCM scanner - 158
VCM printer not printing - 87
Not printing properly - 76

ADVERTISEMENT

Naresolba naman daw ang lahat ng ito.

Sa text message sa mga mamamahayag, sinabi rin ni Garcia na mayroong 51 VCMs ang "depektibo" at 102 SD cards ang pinalitan.

"As of 11am, 51 VCM defective 102 SD cards replacement.. 896 calls in level 1 for VCM issues but not confirmed defective," aniya.

Kung hindi makukumpuni ng Comelec technician ang VCM, papalitan na ang mga ito.

Kung walang VCM na nakahandang ipalit, dadalhin ang depektibong VCM sa "repair hubs," ayon kay Garcia.

"So in the meantime alangan naman po na habang ang machine ay nasa repair hubs, yung balota ay hawak-hawak ng mga botante. Hindi naman po puwedeng ganon. So kailangan iwanan ng mga botante 'yan sa kanilang lamesa ng ating mga guro, siyempre nandiyan po ang mga watchers," paliwanag ni Garcia.

"No choice po tayo doon. Ang importante nakaboto ang mga kababayan natin at ang mga mismong balota ay nakapatas po dyan ima-mass feed po yan. 'Yan po ang isang pagkakataon na ang resibo ay hindi po maibibigay sa mga botante natin," patuloy niya.

Sa patakaran, dapat 10 tao ang umano ang nasa per precinct sa oras ng pagboto. Kapag natapos bumoto, kailangang umalis na ng kuwarto.

"Talaga pong kasama ito sa protocol na no choice po tayo kung hindi pagpatas-patasin. Pag naayos na ang mga makina tsaka po uli ipapasok," patuloy ng opisyal.

Tiniyak naman ni Garcia na mayroong mga poll watcher ng iba't ibang partido ang sasaksi kapag ipinasok na sa VCM ang iniwang balota. --FRJ, GMA News