Arestado ang dalawang lalaki na mga wanted sa kasong rape at pagpatay sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Quezon City at Cavite.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang pagposisyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Detective and Special Operation Unit (CIDG-DSOU), nang lumutang na agad ang kanilang target sa kanto ng Commonwealth Avenue at Zuzuarregui.

Hinuli nila si Narciso Siervo, 50-anyos, dating ex-o ng barangay na wanted sa kasong pagpatay.

ADVERTISEMENT

Lumabas sa imbestigasyon na 2008 nang patayin umano ni Siervo ang suspek naman sa pagpatay sa kaniyang kapatid.

"Parang revenge 'yung nangyari, 14 years na nagtago. Nagkaroon tayo ng operational research sa mga possible na pinagtataguan [ng suspek]," sabi ni Police Colonel Jeremias Oyawon, hepe ng PNP CIDG-DSOU.

Dinakip naman sa isang fastfood restaurant sa Bacoor, Cavite si Anthony Aquesta, residente ng Balabag, Boracay, Aklan, na wanted sa multiple counts ng rape.

"May tauhan siya, may anak din itong tauhan niya. Inabuso po hanggang sa nagbunga, nabuntis po itong na-rape po niya," sabi ni Oyawon.

Parehong hindi nagbigay ng komento ang dalawang salarin. —Jamil Santos/VBL, GMA News