Isang lalaki ang inaresto sa Maynila dahil sa umano’y panghihipo sa misis ng kaniyang kaibigan sa kanilang bahay sa Makati.

Sa report sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng Manila Police District na pinuntahan ng suspek ang kaibigan niya sa kanilang bahay, ngunit wala ito roon.

“Pagpunta sa bahay ng lalaki, kinatok niya ‘yung bahay. Walang sumasagot. Pagpunta niya roon, wala ‘yung lalaki. Ang inabutan niya ‘yung misis na nakahiga, natutulog,” ani Police Major Bernardino Venturina.

ADVERTISEMENT

Depensa naman ng suspek, hindi niya raw hinipuan ang babae, bagkus ay sinubukan niya lang umanong gisingin ang biktima upang itanong kung nasaan ang kaibigan.

“Ginising ko lang po siya noon. Hindi naman po talaga ako totally [na] ginalaw siya o nanghawak ng parte ng katawan niya,” saad ng suspek.

Giit pa ng suspek, sa paa lang umano niya kinalabit ang misis ng kaibigan.

Dagdag pa niya, hindi niya umano magagawa ang krimen dahil “tropa” sila ng asawa ng biktima.

Nahaharap sa kasong acts of lasciviousness ang suspek. —Alzel Laguardia/KG, GMA News