Inalis muna sa puwesto si Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang bilanggo sa New Bilibid Prison, at umano'y "middleman" o tumawag sa mga taong binayaran para patayin ang broadcaster na si Percy Lapid.

Sa press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na mismong nanggaling kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang utos na suspindihin si Bantag nang magkausap sila nitong Huwebes.

“I went to the President to tell him about this… he asked me to preventively suspend Undersecretary, Director General Bantag of BuCor, so that there may be a fair [and] impartial investigation on the matter,” ani Remulla.

Ayon kay Remulla, itinalaga niya si dating Armed Forces chief of staff Gregorio Catapang Jr. bilang officer-in-charge ng Bucor.

Sinabi pa ng kalihim na “indefinite” ang pagkakasuspinde kay Bantag habang isinasagawa ang imbestigasyon.

ADVERTISEMENT

“We cannot have a definite preventive suspension. It’s indefinite, as long as the investigation is there, as long as there are findings. Then let’s put the matter to rest,” paliwanag niya.

Nakasaad sa department order, na effective immediately ang suspensiyon kay Bantag, at walang sahod sa loob ng 90 araw.

Ipinaliwanag ni DOJ spokesperson Mico Clavano, na kailangan ilagay ang bilang ng araw ng suspensiyon sa department order dahil nakasaad ito sa 2017 ruling sa administrative cases sa Civil Service.

“The rules require a period to be stated. That is why we needed to put the 90-day period. But it will be renewed depending on the length and duration of the investigation,” ayon sa opisyal.

Sinabi ni Remulla na ipinaalam na niya kay Bantag kaninang umaga ang kautusan.

Idinagdag ni Remulla na ang pangulo ang pumili kay Catapang na maging OIC ng BuCor.

“Kausap ko kagabi [si Presidente]. We agreed that he may be the best person to step in as OIC. Given his maturity, his ability to discern, his experience, he may be a good fit as OIC,” anang kalihim.

Nitong Huwebes, inanunsyo ni Remulla na nalaman niyang namatay noong Oktubre 18 sa ospital ng NBP ang sinasabing middleman sa pagpatay kay Lapid na si Crisanto Palana Villamor Jr., isang bilanggo.

Batay sa natanggap niyang impormasyon, dumaing daw si Villamor na hindi makahinga at namatay pagkaraan ng ilang oras.

Oktubre 18 rin nang ipresinta ng pulisya sa mga mamamahayag ang sumuko at nagpakilalang bumaril kay Lapid na si Joel Escoria.

Sa naturang araw, inihayag ni Escoria na nanggaling sa kulungan ang taong kumontak sa kanila para patayin si Lapid kapalit ng bayad na P550,000.00. —FRJ, GMA News