PAGBILAO, Quezon - Patay ang isang tricycle driver matapos salpukin ng isang forward truck ang minamaneho nitong tricycle sa Maharlika Highway, Pinagbayanan, Pagbilao, Quezon pasado alas-siyete ng gabi nitong Biyernes.

Ayon sa report ng Pagbilao Municipal Police station, binabagtas ng truck ang Maharlika Highway patungo sa direksyon ng Maynila nang mag-overtake ito at salpukin ang kasalubong na tricycle na nasa kabilang linya.

ADVERTISEMENT

Sa tindi ng pagsalpok ay wasak na wasak ang tricycle.

Mabilis na na-rescue ang driver at isinugod sa pagamutan sa Lucena City subalit idineklara itong dead on arrival sa pagamutan. Kinilala ang driver na si Romeo Bonsol, 42-anyos.

Nasa kustodiya ngayon ng Pagbilao Police Station ang driver ng truck na si Luel Marcellana.

Nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property. —KG, GMA Integrated News