Kita sa dash cam video ang pagbangga ng isang sasakyan sa barrier sa Kalayaan Flyover sa Makati City nitong Lunes ng madaling araw.

Kuwento ng may ari ng dash cam na si Jomar Arteta, sa stoplight pa lang ay alerto na siya dahil may isang sasakyan na nag-iiskid ang gulong, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita ng GMA Integrated News nitong Martes.

Pag-akyat sa Kalayaan flyover ay magkasunod sila. Medyo malakas ang headlight ng sasakyan sa likod ni Arteta.

ADVERTISEMENT

Nang kumaliwa na si Arteta ay tuloy-tuloy namang dumeretso pakanan ang kasunod na sasakyan at tila nawalan ng kontrol.

Tumama ito sa barrier at sa lakas ng impact ay umangat ang sasakyan.

"Nag-ricochet na siya doon," kuwento ni Arteta.

Huminto si Arteta at pinuntahan ang sasakyan. Ligtas ang mga sakay nito at galos lang ang natamo.

Ayon naman sa Makati Police, wala silang natanggap na report ukol sa aksidente. —KG, GMA Integrated News