Patay ang isang lalaki sa Talisay, Batangas matapos siyang pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nag-iinuman nitong Pasko. Ang biktima, nagtamo raw ng malalim na saksak sa kanyang dibdib. 

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV “Balitang Southern Tagalog”, kinilala ng pulisya ang 45-anyos na biktima na si Jomar Caguicla, na nasawi nang dalhin ito sa ospital.

Nangyari ang pananaksak sa Barangay Caloocan.

ADVERTISEMENT

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang daw sumulpot ang salarin sa bahay ng isang barangay kagawad.

Naka-asul daw itong long sleeves, asul na shorts at bonnet.

“Maraming tao kaya lang siguro ang mga allegations nila ay sila naka-focus sa videoke. ‘Yung biktima na sinaksak ng suspek eh hindi nila masyado nakita, ano po,” Talisay Police Station deputy cop. Police Lieutenant Gomer de Guzman.

Nagtatrabaho bilang helper sa isang halamanan ang biktima at kung pagbabatayan daw ang saksak nito sa dibdib, posibleng may malalim na galit ang suspek dito.

“Medyo malalim po ‘yung saksak. Actually, yung padalawang saksak, sir, parang hindi na raw nakuha ‘yung kutsilyo. Siguro, sir, medyo malalim talaga ‘yun kaya hindi niya na nabunot ‘yung kutsilyo,” sambit ni De Guzman.

Mabilis daw umalis ang suspek matapos ang pamamaslang. Pero pinag-aaralan na ng Talisay Police ang kuha ng CCTV camera sa lugar na posibleng makatulong sa kaso.

Sinisikap pang makipag-ugnayan ng GMA Regional TV “Balitang Southern Tagalog” sa pamilya ng biktima para sa kanilang pahayag ukol sa krimen. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News