Dumagsa pa sa himpilan ng pulisya ang mga nagrereklamo, kabilang ang mga kaanak ng ilang overseas Filipino workers (OFWs), na nabiktima umano ng isang real estate company na nagbebenta ng lupa sa Cavite na hindi pala lisensiyado.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras," makikita ang pagdagsa ng mga tao sa CIDG-Cavite Provincial Field Unit nitong Biyernes ng umaga para maghain ng mga karagdagang reklamo laban sa Dahum Builders And Dev't Corp.

Hindi umano nag-turn over ng lote sa mga bumili ng mga biktima kahit buo na nila itong nabayaran.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Benedick Poblete, Provincial Chief ng CIDG-Cavite, nakatanggap sila ng sertipikasyon mula sa Department of Human Settlements and Urban Development na walang karapatang magbenta ng lupa ang Dahum Builders And Dev't Corp.

Sinabi ng CIDG na nabentahan ng kumpanya ng mga lupa ang mga complainant mula sa iba pang subdivision sa mga lugar sa Cavite at Tagaytay City, na pinalabas na kanilang dine-develop.

ADVERTISEMENT

Gayunman, marami sa mga subdivision at village ang hindi pa nagbibigyan ng lupa.

Meron na ngayong halos 200 na mga nagrereklamo laban sa kumpanya.

Isa sa mga biktima si Margie Laher, na katuwang ang anak niyang OFW na isang nurse sa Saudi Arabia.

Kumuha umano ng lote sa kumpanya ang kaniyang anak para sa pinaplano nitong pagreretiro. Pero nadismaya ito nang malamang nauwi sa wala ang kanilang pera.

Hindi naman malaman ni Glendelyn De Leon kung paano mababawi mula sa kumpanya ang pera ng anak niyang factory worker sa Taiwan, na siyang ibinayad nito sa biniling lote.

Pinoproblema rin ng anak ni Perla Loyola na nasa London ang nangyari.

Samantala, ang ginang na si Maricel Capistrano, ilalaan sana sa dalawa niyang anak ang binayaran niyang lote.

Kinumpirma ng CIDG na bukod kina Allan Fresnido at Marife Robiños, na una na nilang dinakip, kinasuhan na nila ng paglabag sa Presidential Decree 957 o subdivision ang buyers' protective decree at estafa ang tumatayong CEO ng kumpanya na si Patricio Achas.

Patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad si Achas.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News