Kung siya ang masusunod, sinabi ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na ipapaaresto niya ang miyembro ng International Criminal Court (ICC) na pupunta sa Pilipinas para imbestigahan ang "war on drugs" na ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

"As the lawyer of the President [Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.], I will not allow, as far as I'm concerned, I will not recognize the jurisdiction of the International Criminal Court of justice. They have no sovereign power over us. If they will come here... If I were to be followed, I will cause their arrest," pahayag ni Enrile sa mga mamamahayag.

Ayon kay Enrile, hindi papayagan ng Pilipinas ang sinumang opisyal ng bansa na imbestigahan at litisin sa international court.

ADVERTISEMENT

Nang tanungin kung napag-usapan nila ni Marcos ang naturang usapin, sinabi ni Enrile na: "Hindi namin pinag-uusapan 'yan. That is a non-issue."

Una rito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) na dapat irespeto ng ICC ang kalayaan ng Pilipinas at justice system sa bansa.

"The PNP encourages the ICC to respect the Philippines' sovereignty and acknowledge the capacity of the Philippines' judicial system," pahayag ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes.

Inihayag kamakailan ng ICC ang pagpapatuloy sa imbestigasyon sa war on drugs ni Duterte dahil hindi umano ito kontento na, “the Philippines is undertaking relevant investigations that would warrant a deferral of the court's investigations.”

Plano naman ng Pilipinas na iapela ang naturang pasya ng ICC kahit pa umatras na sa pagiging kasapi ng naturang tribunal ang bansa noong 2019.

Nangyari ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC batay na rin sa utos ni Duterte nang magsagawa ng paunang imbestigasyon ang lupon sa isinagawa nitong "madugong" kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa opisyal na tala ng pamahalaan, nasa 6,181 katao ang nasawi sa "war on drugs" ni Duterte. Pero naniniwala ang ibang human rights group na aabot sa 30,000 ang napatay sa naturang kampanya, kabilang ang mga inosente at nadamay lang. —FRJ, GMA Integrated News