Isang bata at ilan pang katao ang nailigtas sa debris mula sa gumuhong tatlong palapag na gusali sa Rio de Janeiro, Brazil.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang puspusang pagsagip sa mga naipit sa gumuhong gusali kahit malalim na ang gabi.

ADVERTISEMENT

Maya-maya pa, isang bata ang nakuha mula sa debris. Nagpalakpakan at naghiyawan ang mga tao sa paligid sa tuwa.

Binalot ang bata sa silver blanket para mabigyan ng init.

Bukod sa kaniya, nasagip din ang isang sanggol, lalaki, at dalawang babae. Isinugod na sila sa ospital para bigyan ng pangunang lunas.

Sinabi ng Fire Department na isa ang nasawi habang lima ang sugatan.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng pagguho ng gusali.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News