Arestado ang isang lalaking pinagsasaksak gamit ng screwdriver ang kanyang amain sa Quezon City.

Nakilala ang suspek na si Warren Christian Mauri, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Nangyari ang insidente sa Barangay Greater Fairview.

ADVERTISEMENT

Naabutan pa ng mga rumespondeng pulis mula sa Quezon City Police District Station 5 ang komosyon sa labas ng kanilang bahay.

"Naabutan nga ng ating isang patroller na aakmang sasaksakin pa itong biktima na kanyang stepfather pero nang nakitang dumating ang pulis, agarang binitawan yung screwdriver na ginamit," ani Police Lieutenant Colonel Elizabeth Jasmin, Fairview Police Station commander.

Aminado naman ang suspek sa pananaksak sa kanyang 64-anyos na amain, ngunit hindi raw niya ito sinasadya.

"Nakasaksak ko nga pero 'di ko sinasadya. Kasi nadala na lang po ako sa init ng ulo," ani suspek.

Mahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek.

Ayon kay Jasmin, base sa kanilang imbestigasyon, nagtatalo ang suspek ang biktima tuwing pagsasabihan ng amain ang suspek tungkol sa umano'y paggamit ng ilegal na droga.

Samantala, naidala ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan matapos magtamo ng tama sa leeg, dibdib at tiyan. —KG, GMA Integrated News