Nasawi ang isang rider matapos masagi ng minamaneho niyang motorsiklo ang isang electric bike o e-bike na tinangka umano nitong unahan sa Taal, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Fernando Navarro, 70-anyos.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulisya, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na tinangkang mag-overtake sa sinusundang e-bike sa national highway na sakop ng Barangay Balisong.

Pero nasagi ng motorsiklo ang e-bike na dahilan para nalaglag ang rider at nabagok ang ulo sa kalsada. Dahil walang suot na helmet, nagtamo ng matinding pinsala ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sinabi ng pulisya na nag-uusap na ang magkabilang panig na sangkot sa insidente.

Sinubukan pang hingan ng pahayag ang pamilya ng nasawing rider, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News