Kinagiliwan ng netizens matapos matuklasan ng beterinaryo sa kanilang outreach program ang isang lalaking Calico, na pambihirang uri ng pusa.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend, makikita ang viral na larawan nina Dr. Glenn Albert Almera at ang isang lalaking Calico.

ADVERTISEMENT

Ang mga Calico ay pusang tatlo ang kulay, na karamihan ay puti na may mga batik na may orange at black.

Sinabi ni Dr. Almera o Doc Gab na talagang bihirang makakita ng lalaking Calico dahil madalas babae ang mga ganitong pusa.

Nakita nila ito sa kanilang programa sa Alabang kung saan nagsasagawa sila ng pagkakapon sa pets.

Regular na nagsasagawa ang grupo nina Doc Gab ng low-cost community kapon. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News