Improvised zipline ang ginamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para hatiran ng relief packs ang nasa 100 Mangyan sa Occidental Mindoro.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, sinabing hinatiran ng tulong ang ilang katutubong Mangyan sa Brgy. Monteclaro sa bayan ng San Jose.

Rumaragasa ang tubig sa ilog na daan patungo sa mga Mangyan matapos masira ang ginagamit nilang tramline.

Samantala sa bayan ng Rizal, ipinatutupad naman ng LGU ang no sail policy at pre-emptive evacuation.

Nakaalerto pa rin sila sa ulan na epekto ng Habagat na pinalalakas ng bagyong Falcon. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News

ADVERTISEMENT