Pinatatanggal sa puwesto ang dalawang kawani ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 matapos silang mahuli-cam na nanampal at nanadiyak ng menor de edad nang tumanggi ang kasamahan nitong babaeng singer na lumapit sa kanila sa Tuguegarao, Cagayan.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa isang cellphone video na naka-upload sa Facebook page ng Cagayan Public Information Office ang dalawang lalaking kausap ang isa pang lalaking nakaupo.

Ilang saglit lang, bigla nang sinapak at tinadyakan ng dalawang lalaki ang lalaking nakaupo, kaya itinigil ang tugtugan.

Batay sa kuha ng CCTV, isang babae ang tila umawat sa komosyon ngunit nahila ang kaniyang buhok.

Sinabi ng mga saksi na 15-anyos ang menor de edad na biktima, habang nasaktan din umano ang isa pang lalaking katabi niya, ngunit hindi nahagip sa video.

Kinilala ng Cagayan Public Information Office ang mga opisyal ng LTO Region 2 bilang sina Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum.

Batay sa mga saksi, gusto umanong palapitin ng isa sa mga opisyal ang isa sa mga singer, ngunit tumanggi ito, bago nanakit ng mga kasamahan.

Sinuspinde na ng LTO si Baricaua bilang bahagi ng standard operating procedure ng ahensiya upang masiguro ang maayos at patas na proseso habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ipinag-uutos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na tanggalin na sa puwesto si Baricaua at Ursulum.

“Nag-order na ako ng immediate relief nitong ARD na ito sa Cagayan. Sumulat na rin ako kay Executive Secretary Bersamin recommending ‘yung immediate relief nito,” sabi ni Dizon.

Tungkol naman kay Ursulum, “Kasama din siya doon sa mga nanipa. So tanggal din siya. Tanggal sila pareho. Lahat ng involved, tanggal.”

Patuloy ang pagkalap ng impormasyon ng DOTr.

“‘Yan 'yung mga sinasabi kong hindi na kailangan ng imbestigasyon. Kitang kita naman eh. Kitang kita na doon sa video kung paano sila mang-abuso ng mga tao. Hindi pupuwede ‘yan. Paulit-ulit kong sinasabi sa lahat ng mga kawani ng LTO, LTFRB, lahat ng kawani ng under ng DOTR: ‘Pag ‘yan, nahuli sila na ganiyan at may report na ganiyan na sila’y nang-aabuso ng mga kababayan natin, tanggal sila sa puwesto.”

Nakipag-ugnayan na rin ang DOTr at LTO Central sa dalawang biktima at tutulungan nila ang mga ito kung gusto nilang maghain ng kaso.

Sinusubukan ding makipag-ugnayan ng GMA Integrated News sa mga biktima.

Sinubukan din nitong kunan ng pahayag sina Baricaua at Ursulum ngunit tumanggi silang magbigay ng pahayag. –Jamil Santos/NB, GMA Integrated News