Makatatanggap ng dagdag na kita ang nasa 1.2 milyong minimum wage earners sa National Capital Region (NCR) sa susunod na buwan matapos aprubahan ng regional wage board ang P50-taas sa arawang minimum wage.
Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Lunes na aprubado na ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang naturang taas-sahod sa Wage Order No. 26.
Dahil ditto, mula sa kasalukuyang P645, magiging P695 na ang daily minimum wage rate sa para sa non-agriculture sector. Habang magiging P658 mula sa kasalukuyang P608 ang daily minimum wage rate para sa agriculture sector, service, at retail establishments na may empleyado na hindi bababa sa 15, at sa manufacturing establishments na may regular na bilang ng mga kawani na hindi hihigit sa 10 manggagawa.
Epektibo ang increase hike sa July 18, 2025.
Ayon sa National Wages and Productivity Commission, ang naturang wage hike ay katumbas ng dagdag na P1,100 na sahod sa bawat buwan para sa isang five-day workweek na manggagawa, at P1,300 para sa six-day workweek.
Sa bagong wage hike, ang magiging buwanang sahod ng non-agriculture worker ay tinatayang nasa P15,247 hanggang P18,216 para sa isang five-day at six-day workweek, ayon sa pagkakasunod, kasama ang mandatory social welfare benefits gaya ng 13th month pay, service incentive leave, SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.
Ang NCR wage board ang unang naglabas ng kanilang bagong wage order ngayong 2025, ayon sa DOLE. — mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News

