Napilitan ang mga fish farmer sa Buguey, Cagayan na anihin ang tone-toneladang alaga nilang isdang “Malaga” na naapektuhan ang paglaki bunga ng pagbabago ng ilog sanhi ng mga pag-ulan na dulot ng bagyong “Crising” at ng Habagat.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nasa 22 tonelada ang nakolektang isda ng mga fish growers, malayo sa inaasahan sana nilang ani na 30.3 tonelada dahil sa hindi paglaki ng mga isda.
Bagsak din ang presyo ng isda na ibinenta ng P150 per kilo sa halip na P350.
“Sa Barangay Minanga and Minanga Oeste, sa sunud-sunod na pag-ulan, naging fresh water na ‘yung river sa Buguey, at the same time naging torpid na. So, wala nang tayong choice kundi i-full harvest o i-forced harvest ‘yung ating mga malaga dito sa Buguey,” ayon kay Archie Viloria, fishery report officer ng Buguey.
Tumulong din ang lokal na pamahalaan ng Buguey sa mga fish farmer matapos bilhin ang pitong tonelada ng mga isda. Ang mga biniling isda, ipinamahagi naman sa mga munisipalidad na naapektuhan ng pag-ulan.
“Since wala nang market, thru the initiative of the executive officer natin, siya po ‘yung nag-request sa provincial na bilhin namin ‘yung harvest nila. 7 tons ‘yung na-purchase ng LGU na binili sa mga buyer. Ito naman ay itinulong natin sa other municipalities,” sabi ni Viloria.
Upang maiwasan ang mga pagkalugi sa hinaharap, naghanda na ang lokal na pamahalaan ng isang cold-chain facility na maaaring magamit ng mga fish farmer sa susunod na harvest season.
Pinondohan din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagtatayo ng malaga hatchery sa bayan.—FRJ, GMA Integrated News
