Tinanggap ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III nitong Miyerkoles ang hamon ni Davao City Acting Mayor Baste Duterte na makipagsuntukan.

Sa pahayag niya sa mga reporter, sinabi ni Torre na maaari itong gawing isang "charity boxing match."

“Ang una kong naisip, uy tamang-tama. Maraming kababayan natin ngayon ang nangangailangan ng tulong na naapektuhan ng bagyo at baha. Maybe, this is a very good time para sa isang charity boxing match,” sabi ni Torre.

"We can do it on Sunday sa Araneta. Actually, puwede. Seriously, it's okay. Maganda 'yan charity at least makatulong kami ni Mayor Baste sa ating mga kababayang nasalanta, 'yung proceeds kung ano man. Sigurado maraming manonood nyan," dagdag pa niya.

Sa isang vlog na in-upload sa YouTube noong Linggo, binanggit ni Duterte si Torre at hinamon niya ito ng suntukan.

"Kasi matapang ka lang naman you have the position. Pero kung suntukan tayo alam kong makaya kita. But then you're a coward," paghamon ni Duterte. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News