Isang babae sa New Zealand na bumibiyahe sakay ng bus ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mabistong may bata siyang kasama na nasa loob isang maleta.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing inaresto ang 27-anyos na babae noong Linggo, at dalawang-taong-gulang ang batang nakalagay sa maleta.

Ayon kay Detective Inspector Simon Harrison, sinampahan ng kaso ang babae dahil sa pagmamalupit at pagpapabaya sa bata.

Batay sa ulat, tinawagan ang pulisya sa isang bus depot sa Kaiwaka matapos mapansin ng driver ng bus na gumagalaw ang isang bag nang sandaling tumigil sa biyahe ang bus.

"When the driver opened the suitcase, they discovered the two-year-old girl," sabi ni Harrison.

"The little girl was reported to be very hot, but otherwise appeared physically unharmed," dagdag niya.

Dinala sa ospital ang bata para sa masuring mabuti ang lagay ng kalusugan, ayon pa kay Harrison.

Nakalagay ang maleta sa ilalim ng bahagi ng bus na pinaglalagyan ng mga bagahe ng mga pasahero.

Dahil sa maagap na pagkilos ng driver, sinabi ni Harrison na napigilan nito ang "what could have been a far worse outcome."

Posible raw madagdagan ang kaso ng babae, pero hindi binanggit sa ulat kung ano kaugnayan niya sa bata.

Ipinaalam na rin sa Ministry for Children ng New Zealand ang insidente. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News