Kinumpirma ng Japanese embassy ngayong Lunes na mga kababayan nila ang dalawang dayuhan na binaril at napatay sa Maynila nitong Agosto 15. Inihayag naman ng Manila Police District (MPD) na nahuli na nila ang isa sa mga suspek.

“We express our condolences to the deceased and we are currently coordinating and confirming the details of the incident with the Philippine authorities, and are providing support to the bereaved family members of the deceased,” saad sa inilabas na pahayag ng embahada.

Batay sa ulat, pinalabas ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang dalawang biktima na nakasakay sa taxi dakong 10:00 pm sa bahagi ng Malate noong Biyernes.

Pagkalabas ng sasakyan, pinagbabaril ang mga biktima at tinangay ng mga suspek ang kanilang mga gamit, at tumakas.

Ngayong Lunes, inihayag ng Manila Police District (MPD) na naaresto na nila ang sinasabing bumaril sa mga biktima. May isa pang person of interest sa kaso na hinahanap na at inilarawan na isang tour guide.

Ayon sa pulisya, natunton kinalaunan ang sasakyan ng mga suspek sa panulukan ng Malvar Street at Taft Avenue, at doon nagsagawa ng backtracking sa CCTV footages na nagresulta sa pagkakatukoy sa suspek na bumaril sa mga biktima.

Positibo rin umanong kinilala ng isang saksi ang suspek na tinutukan nito ng baril.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen kung talagang pagnanakaw ba o nais lang lituhin ang mga imbestigador para itago ang tunay na dahilan sa pagtumba sa mga biktima.

Sa hiwalay na pahayag, pinuri ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno ang Manila Police District dahil sa tinawag niyang “major step” sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

“We commend the Manila Police District and the Special Investigation Task Group MALVAR for this major step toward bringing to justice the perpetrators behind the barbaric killing of two Japanese nationals in the City of Manila,” anang alkalde.

“We will continue to work closely with the PNP and other concerned agencies to bring the full force of the law against those responsible and to safeguard the peace and order that all residents and visitors of Manila rightfully deserve,” dagdag niya. – FRJ GMA Integrated News