Nanghihinayang ang 58-anyos na tindera matapos na mawala ang pinaghirapan niyang mahigit P45,000 sa kaniyang e-wallet matapos umano siyang mabiktima ng online scam sa Mangaldan, Pangasinan. Ang suspek na lalaki, nagpa-cash in umano sa kaniya at nagpa-scan ng QR code.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, ikinuwento ng biktimang si Aurea Sorio, na nangyaring insidente noong Linggo.
Aniya, isang lalaki ang lumapit sa kaniya upang magpa-cash-in dahil may babayaran umanong produkto na binili niya online.
May ipinakita rin umano ang lalaki na screenshot ng QR code at nagbayad ng ?220 sa pag-scan.
Pagkatapos nito, umalis na ang lalaki pero bumalik din pagkaraan ng ilang minuto dahil kulang daw ang kaniyang ibinayad. Pero nang nakatatlong balik sa kaniya ang lalaki, kinutuban na si Sorio.
“Eh nagduda ako noong umalis kaya sabi ko, ‘Michelle, tingnan mo nga saan nagpunta.’ Eh tumakbo. Tapos nung ita-transfer ko na ’yung pera, wala na, naunahan na ako,” ani Sorio.
Huli na nang malaman ni Sorio na nalalagasan ng pera ang kaniyang e-wallet tuwing nag-i-scan umano ang lalaki.
“Mahirap kumita ng pera. Halos hindi ako matulog para kumita ng pera, tapos ganun lang mangyayari. Diyos ko, wala silang awa,” hinanakit niya.
Inireport na ng biktima ang insidente sa pulisya. Nakita naman ang kotse na sinakyan umano ng suspek at tinutunton na ito ngayon sa tulong ng Land Transportation Office.
Pinayuhan naman ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team ng pulisya ang publiko na huwag basta-basta mag-i-scan ng QR codes kung hindi tiyak kung saan ito galing.
“Dapat ipakita nila mismo na doon nila i-generate mismo, na makita mismo ng tindera. At saka mas maganda, iwas-iwasan na lang ’yung ganun. Number na lang talaga,” ayon kay Police Major Franklin Lacana, team leader.—FRJ GMA Integrated News

