Patay ang isang ginang matapos siyang pagsasaksakin at bugbugin ng kaniyang mister nang dahil umano sa selos sa San Jose, Batangas. Ang suspek, nahanap sa isang balon.

Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV na duguan at tila naghihihingalo ang biktima nang lumabas ng kanilang bahay.

Ilang saglit pa, bigla siyang hinatak ng kaniyang asawa, na galit na galit na pinagsusuntok siya sa mukha.

Matapos nito, umalis ang lalaki na may mga bakas ng dugo sa damit.

Bago ang insidente, pinagsasaksak na ng mister ang kaniyang misis sa loob ng bahay.

Sinubukan pang tumayo ng ginang para tumakas ngunit hindi pa nakalalayo, nalagutan na siya ng hininga.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, na nagkaroon ng matinding pagtatalo ang mag-asawa. Isa sa nakikitang motibo sa krimen ang selos.

Kalaunan, namataan ang suspek na nagtago sa isang balon malapit sa kanilang bahay.

Nahanap siya gamit ang thermal drone ng pulisya. Nang madakip, nanghihina umano ang lalaki, dahil sa kaniyang diabetes at nagka-seizure pa.

Isinailalim sa hospital arrest ang suspek na mahaharap sa reklamong parricide. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News