Apektado ang negosyo ng ilang Pinoy sa New York City matapos na hindi sila makapagbukas ng kanilang mga tindahan dahil sa matinding winter storm na tumama sa estado, na nagdulot ng temperaturang mas mababa pa sa freezing level na ikinasawi na ng limang tao.

Maliban sa usapin ng negosyo, wala pa namang iniuulat ang Philippine Consulate sa New York kung may mga Pilipinong labis na naapektuhan ng winter storm. Gayunman, mahigpit umano nilang binabantayan ang sitwasyon.

Tiniyak din ng konsulado na handa itong tumulong sa sinumang miyembro ng Filipino community na maaapektuhan ng kalamidad.

Ilang tindahan na pagmamay-ari ng mga Pilipino ang hindi nagbukas ngayong araw sa Little Manila sa Woodside, Queens. Kapansin-pansin din ang kakaunting mga tao na naglalakad sa lugar.

Sa New York City, limang tao ang natagpuang patay sa labas at pinaniniwalaang nasawi dahil sa matinding lamig na dulot ng winter storm, na nagdulot ng mahigit 19 pulgadang niyebe sa Northeastern United States.

Ayon kay New York City Mayor Zohran Mamdani, hindi lamang niyebe ang dala ng winter storm kundi pati temperaturang higit na malamig kaysa sa kanilang naranasan sa lungsod sa nakalipas na walong taon.

“The intense cold can be fatal. Yesterday alone before the snow had even begun to fall at least five New Yorkers died and were found outdoors. I extend my deepest condolences to their families and loved ones. While we do not yet know the exact causes of death, there is no more powerful reminder of the danger of extreme cold and how vulnerable many of our neighbors are,” saad ni Mamdani sa isang press briefing.

Aabot sa 200 milyong residente sa 34 na estado sa buong Estados Unidos ang naapektuhan ng malakas na winter storm.

Maraming lugar ang nakaranas ng pagkawala ng kuryente dahil sa malalakas na hangin, habang ang mga estadong labis na tinamaan ay nananatili sa ilalim ng state of emergency.

Mahigit 9,600 flight din ang nakansela noong Linggo dahil sa kalamidad na ito.

Dati nang nag-abiso ang Philippine Embassy sa Washington, D.C. at konsulado sa NY, na maghanda at mag-ingat ang Pinoy community sa winter storm.

Naglabas din sila ng mga hotline para sa mga mangangailangan ng tulong:

Philippine Embassy sa Washington, D.C.: 202-368-2767 / 202-769-8049

PHL Consulate General, New York: + 1 (917) 294-0196

 

-- Dave LLavanes Jr./FRJ GMA Integrated News