Sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa Sandiganbayan nitong Martes, na binigyan siya ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co ng P130 milyong "balato" o tinatawag niyang "token of gratitude."

Inihayag ito ni Bernardo sa kaniyang unang testimonya bilang state witness tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects. Isa Bernardo sa mga saksi ng prosekusyon na iniharap sa Sandiganbayan Sixth Division, kung saan nasasakdal ang 16 na personalidad -- kasama ang ilang dating opisyal ng DPWH at si Co-- sa mga kasong malversation kaugnay ng substandard na mga proyekto umano sa Oriental Mindoro.

Sinabi ni Bernardo sa korte na binigyan siya ni Co ng P100 milyong share mula 2023 hanggang 2025, na ipinadala sa pamamagitan ni dating DPWH First District Engineering Office District Engineer Henry Alcantara at isa pang P30 milyon mula 2023 hanggang 2025 na ipinadala sa pamamagitan ni dating DPWH 4B Regional Director Gerald Pacanan.

Tinanong ni Sandiganbayan Sixth Division chairperson at Associate Justice Sarah Fernandez si Bernardo kung para saan ang naturang "balato".

“Your Honor, it was [a] token of gratitude for guaranteeing na maayos kausap si Engineer Alcantara," sabi ni Bernardo.

“I can tell that it’s [every] third quarter of every year,” sabi ni Bernardo nang tanungin ni Sandiganbayan Associate Justice Kevin Vivero kung nakatanggap siya ng mga ganoong halaga.

Sinabi ng dating opisyal ng DPWH na para sa halagang ibinigay ni Alcantara, hinati ito sa P40 milyon noong 2023, P40 milyon noong 2024, at P20 milyon noong 2025.

Tungkol naman sa kickback na ibinigay ni Pacanan, hinati ito sa P10 milyon bawat taon mula 2023 hanggang 2025.

Nang tanungin siya ng mga prosekusyon kung ano ang nagpapatunay na nanggaling kay Zaldy Co ang perang ibinigay sa pamamagitan ni Pacanan, tugon ni Bernardo, "He (Pacanan) told me the balato came from Zaldy Co."

Ang kontratista sa P289 milyong proyekto ay ang Sunwest Construction, isang kompanyang itinatag ni Co, bagama't sinabi ni Bernardo na hindi niya alam kung ang P30 milyon na nakuha niya mula kay Pacanan ay kinuha sa ilalim ng P289 milyong proyekto na paksa ng kasong malversation.

Isa rin sa mga akusado si Pacanan sa kasong malversation, habang itinalaga si Alcantara bilang state witness para sa mga kaso ng flood control.

Gayunpaman, sinabi ni Bernardo na tinanggap niya sa pamamagitan ng kaniyang mga aide ang mga kickback na galing mula kay Co sa pamamagitan nina Alcantara at Pacanan, at hindi siya mismo ang personal na tumanggap.

Nauna nang itinanggi ni Co na tumanggap siya ng bilyun-bilyong halaga ng mga suhol umano mula sa mga proyekto ng gobyerno para flood control projects.

Patuloy na pinaghahanap si Co, na sinasabing nasa ibang bansa. -- Llanesca T. Panti/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News