Isang mag-asawa at dalawa nilang pamangkin na edad 12 at 11-buwang-gulang, ang nasawi nang tamaan ng landslide ang kanilang bahay sa kasagsagan ng pag-ulan na dulot ng bagyong Basyang sa Cagayan de Oro City nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing umuulan at nagpapahinga ang mag-asawa na edad 45 at 37, at dalawa nilang pamangkin sa kanilang bahay sa Barangay Agusan, nang mangyari ang trahedya.

Kaagad umanong nagsagawa ng search and rescue ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) na nakapuwesto sa barangay hall.

Nakuha ang mga katawan ng biktima na natabunan ng putik at debris mula sa landslide na tumabon sa kanilang bahay.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) Chief Nick Jabagat, aalamin pa ng barangay kung paano nangyari ang landslide sa lugar na ngayon lang umano nangyari doon pagkaraan ng ilang taon.

Samantala, inilikas at nanatili sa mga evacuation centers ang iba pang naapektuhan ng pag-ulan sa lungsod. – FRJ GMA Integrated News