Itinaas na sa P20 milyon mula sa P10 milyon ang pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang negosyanteng si Atong Ang, na mayroon nang mga warrant of arrest kaugnay sa kaso ng nawawalang mga sabungero.

Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na, "We are increasing the bounty for Atong Ang to P20 million for information leading to his arrest."

Naglabas na ng mga warrant of arrest laban kina Ang at iba pang akusado, kaugnay ng mga kasong multiple counts ng kidnapping with homicide, kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa nawawalang mga sabungero.

Nauna nang hiniling ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pag-isyu ng Interpol Red Notice laban kay Ang, kung sakaling nakalabas na siya ng bansa.

Batay sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang ekstradisyon, pagsuko, o kagayang legal na aksiyon ng bansang kaniyang pinanggalingan.

Nauna nang itinanggi ni Ang ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Inilarawan ng kaniyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal na "premature" at “legally questionable” ang warrant of arrest ng korte ng Laguna, dahil bigo umano itong matugunan ang mga pamantayan ng konstitusyon na dapat sana'y nasunod sa ilalim ng mga pangyayari.

“Clearly, the court merely acted on the incomplete and one-sided information provided by the Department of Justice (DOJ) in its determination of probable cause, without having even seen the counter affidavits and exculpatory evidence of the respondents, including that of Mr. Ang,” sabi ni Villareal. – Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News