Binaril at napatay ang isang lalaki habang bumibili ng soft drink sa isang tindahan sa General Santos City nitong Huwebes.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao ngayong Biyernes, sinabing empleyado ng isang motorcycle dealership ang 31-anyos na biktima sa Barangay San Isidro.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagulat na lang umano ang may-ari ng tindahan nang makarinig ng dalawang putok ng baril. Nang tingnan kung saan galing ang putok, nakila na lang niya ang biktima na duguan na.
Isinugod umano ang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
