Binaril at napatay sa harapan ng kaniyang bahay ang 32-anyos na Miss Philippines Earth 2013 runner-up noong Biyernes sa San Manuel, Isabela.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Lullete Jane Ramilo, na isa ring guro.
Nakasakay sa kaniyang SUV ang biktima nang pagbabarilin habang nakatigil ang sasakyan sa harapan ng kanilang bahay sa Barangay Kabaritan.
Nagtamo siya ng tama ng bala sa pisngi at tagiliran.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen pero may sinusundan na umanong lead ang mga awtoridad.
Sa paunang imbestigasyon, sinundo ng biktima ang kaniyang mga anak sa paaralan. Pagdating sa bahay at pagkababa ng mga bata mula sa sasakyan, doon na siya pinagbabaril ng salaring sakay ng motorsiklo. – FRJ GMA Integrated News
